
2 suspek sa pagnenok ng motor timbog
NABITAG ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD)-Baseco Police Station 13 ang dalawang suspek sa pagtangay ng motorsiklo sa Block 4, Lot 42, New Site, Baseco compound sa Port Area, Manila noong Sabado.
Ayon sa mga pulis, miyembro ng Bahala Na Gang (BNG) ang mga suspek na sina Jericho, 29, at Jayson at ngayo’y nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10883 o “New Anti Carnapping Act of 2016.”
Natimbog ang dalawa makaraang magsagawa ng follow up operation ang pulisya sa utos ni Police Lieutenant Colonel Emmanuel Mike Gomez, station commander.
Ayon kina Police Staff Sergeant Alfie Geronimo at Police Corporal Joem Bajet Jr. natiklo bandang alas-4:15 ng hapon sa M. Naval St., Brgy. Tangos, Navotas City si Jericho sa pamamagitan ng isang impormante.
Natimbog naman si Jayson sa Block 15, Baseco Compound at narekober sa kanya ang itim na Yamaha Mio.
Nauna rito, nagpasaklolo si Rey Mark, 27, nang tangayin ang kanyang motorsiklo sa Baseco compound ng bandang alas-7:00 ng gabi.