2 suspek sa murder, kusang sumuko sa Caloocan Police

November 3, 2022 Edd Reyes 139 views

NAPUWERSANG sumuko sa pulisya ang dalawang suspek sa walang awang pagpatay sa 28-anyos na lalaki matapos sumikip ang mundong kanilang ginagalawan bunga ng puspusang operasyong isinagawa ng mga tauhan ng Caloocan City Police.

Ayon kay Caloocan Police Chief P/Col. Ruben Lacuesta, nangyari ang malagim na pamamaslang sa biktimang si Marki Anthony Baranda dakong alas-4:20 ng madaling araw noong Lunes sa Vista Verde Subdivision, Bgy, Kaybiga sa naturang lungsod.

Kaagad inatasan ni Lacuesta si P/Capt. Rolando Domingo, ang hepe ng Llano Police Sub-Station 7 na kumalap ng impormasyon para sa pagkakakilanlan sa mga suspek at pagsasagawa ng pagtugis laban sa kanila.

Nang makilala na ng pulisya ang mga suspek, kaagad isinagawa ang operasyon subalit nabigo silang madakip ang mga suspek sa kanilang tirahan sa Bgy. 165 dahil nakatalilis na ang mga ito nang dumating ang mga pulis.

Hinimok naman ni Domingo ang mga kaanak ng mga suspek na isuko na lamang ang dalawa at harapin sa hukuman ang kanilang kaso dahil hindi sila titigil sa pagtugis sa mga ito.

Noong Lunes ng umaga, isinuko ng kanilang mga kaanak kay Domingo ang mga suspek dahil batid nilang hindi rin magtatagal ay masusukol sila ng pulisya bunga ng inilunsad na puspusang pagtugis laban sa kanila.

Ipinahayag ng mga suspek sa pulisya na bago nangyari ang krimen, nag-iinuman umano sila nang magsimulang magwala ang biktima na humantong sa kanilang mainitang pagtatalo.

Nakarating naman sa kaalaman ni National Capital Region Police Offie (NCRPO) Director P/Brig. Gen. Jonnel Estomo ang mabilis na paglutas ng Caloocan Police sa nangyaring pagpaslang at ipinaabot kaagad ang kanyang pagbati kay Lacuesta.

Sinabi ni Estomo na pinatunayan lang ng mga tauhan ng Caloocan Police ang pagtalima sa programang S.A.F.E. (Seen, Appreciated and Felt by the people through Extraordinary actions) NCRPO sa pamamagitan ng pagtugis sa mga taong pinaghihinalaang nakagawa ng krimen.

AUTHOR PROFILE