Default Thumbnail

2 suspek, kinasuhan sa Diamante shooting

May 16, 2023 Gil Aman 162 views

Motorsiklo gamit sa ‘surveillance’ sa biktima

KAMPO HENERAL PACIANO RIZAL – Kinasuhan na ng Special Investigation Team (SIT) ng Laguna police ang may-ari ng motor na ginamit ng mga suspek bilang pang “surveillance” sa pamamaslang sa pangulo ng J. Santiago Coffee Cooperative na si Harrison Diamante noong Enero 8, 2023 sa Sta. Maria, Laguna.

Ang naturang SIT ay pinamumunuan ni P/Col. Randy Glenn G. Silvio, acting provincial director ng Laguna PPO (Police Provincial Office), na siyang namamahala at nangunguna upang lutasin ang mga patayan at pagkawala ng ilang personalidad na naganap sa ikaapat na distrito ng Laguna.

Sa patuloy na pagtutok at pagsasagawa ng imbestigasyon ng SIT ay natukoy na ang may-ari ng motorsiklo na isinakay sa isang Mitsubishi L-300 van na narekober matapos ang insidente ng pagpaslang sa biktima sa nabanggit na petsa.

Ang narekober na itim na Yamaha Mio-i 125 na motor ay siyang ginamit diumano ng mga suspek upang tiktikan ang biktima bago ang pamamaslang.

Samantala, nitong nakaraang Biyernes ng Mayo 12 ay pormal ng naghain ang Santa Maria Municipal Police Station (MPS) ng kaukulang kaso laban sa dalawang suspek na lalaki na siyang may-ari ng narekober na motor para sa kasong Presidential Decree No. 1829 “Penalizing Obstruction of Apprehension and Prosecution of Criminal Offenders” at Section 5 Paragraph D. of RA (Republic Act) 4136 o Land Transportation and Traffic Code.

Ang Laguna PNP (Philippine National Police) ay patuloy pa din sa pagsasagawa ng mga follow-up investigations upang matukoy ang lahat ng mga salarin at may kinalaman sa mga nasabing insidente ng pamamaslang at pagkawala ng ilang mga biktima sa nasasakupan ng nasabing distrito sa probinsya ng Laguna.

Ito ay upang mabigyang linaw at hustisya ang mga kaanak ng mga biktima ng pamamaslang at ng mga nawawalang personalidad.

“Ang pagsampa ng kaukulang kaso laban sa nasabing mga suspek ay bunga ng walang tigil na pagtutok at pag-iimbestiga ng ating Special Investigation Team sa mga insidente ng pamamaslang at pagkawala ng ilang personalidad mula noong taong 2004 hanggang sa kasalukuyan na naganap sa 4th District ng Laguna. Sa aking pong pangunguna sa mga kapulisan dito sa Laguna at sa pamamagitan ng ating SIT ay makakaasa po kayo na hindi ko titigilan at patuloy kong patututukan ang mga kasong ito upang agarang masampahan ng mga kaukulang kaso ang lahat ng mga salarin at may kinalaman sa mga nagdaang insidente at nang sa ganun ay maipagkaloob natin sa mga kamag-anak ng mga biktima ang hustisyang kanilang hinahangad,” pahayag ni Silvio.

AUTHOR PROFILE