Snatcher Inaresto ng mga kapulisan ng DTMU ang dalawang snatcher sa pangunguna ni P/Lt. Col. Romeo Estabillo, chief ng Mobile Unit matapos maaktuhan ng mga operatiba ang pag-snatch nito sa Ermita. Kuha ni Jon-jon Reyes

2 ‘snatcher’ namitas ng hikaw, tiklo sa MPD patrol

February 24, 2023 Jonjon Reyes 1776 views

KULONG sa rehas na bakal ang dalawang lalaki na “namitas” ng hikaw sa isang 58-anyos na ginang habang nakasakay sa pampasaherong jeep, matapos maaktuhan ng mga romorondang tauhan ng District Tactical Motorized Unit (DTMU) sa Ermita, Maynila, Biyernes ng umaga.

Ayon kay P/Lieutenant Col. Romeo Estabillo, hepe ng DTMU, ang mga suspek ay pawang residente sa magkahiwalay na lugar sa Quiapo.

Sa ulat ng opisyal, habang nagsasagawa sila ng patrolling operation kasama sina PSSgt. Lester Moretcho, P/Cpl. Normal Barit, at Pat. Daryl Leyle Cacanindin, lulan ng mga motorsiklo at mobile car bandang 11:50 a.m. sa Ermita, ay naaktuhan nila ang isang lalaki na nanghablot ng gintong hikaw sa panulukan ng Taft Avenue at Ayala Avenue sa Ermita.

Sa salaysay ng biktima, ng Marikina City, habang nakasakay ito sa pampasaherong jeep ay bigla na lang hinablot mula sa kanyang likuran ang hikaw na may halagang P17,000 at ikinasugat ito ng kanyang tainga.

Bago pa man dalhin sa MPD (Manila Police District) Headquarters ang biktima ay sumailalim muna ito sa medical checkup sa Ospital ng Maynila.

Naaresto naman agad ang mga suspek at desidido ang biktima na ituloy ang kasong robbery snatching matapos na mabawi ang hikaw mula sa dalawa.

Papanitilihin at palalawigin ang patrolling operation sa matataong lugar sa lungsod, sakayan para sa seguridad ng mga mamamayan ayon kay MPD Chief Andre P. Dizon.

AUTHOR PROFILE