2 showroom ng luxury vehicles sinalakay ng BOC, PCG

October 25, 2021 Vic Reyes 252 views

Vic ReyesSA kasaysayan ng mundo, lahat naman ng pandemya at epidemya na pumatay ng maraming tao ay natapos din.

Ganyan din ang mangyayari sa COVID-l9 pandemic.

Lilipas din ang pandemyang ito na pumatay ng maraming tao sa buong mundo.

At nagpalugmok sa pandaigdigang ekonomiya na nag-resulta naman sa malawakang kahirapan, kagutuman at kawalan ng trabaho.

Ang kailangan lang ay sumunod tayo sa mga ipinag-uutos ng mga otoridad habang naghahanap ng lunas sa sakit na ito.

Huwag na tayong maging pasaway para tuluyan ng matigil ang pagkalat ng nakamamatay virus.

Sana magkaroon na tayo ng tinatawag na “herd immunity”bago mag-Pasko.

Sabik na ang lahat na ma-enjoy ang holiday season na sobrang na-miss natin noong nakaraang taon.

Lalo na’t panahon pa ng kampanya ng mga kakandidato sa darating na May 9, 2022 elections.

Pero kahit na magluwag pa ang mga panuntunan, dapat pa rin tayong mag-ingat at huwag magpa-kampante.

***

Ang lalakas talaga ng loob ng mga ismagler.

Biruin mo, ilang luxury cars at big bikes ang naka-display sa dalawang showrooms kahit na wala silang importation documents.

Mabuti na lang at matunog ang mga taga-Bureau of Customs o BoC.

Sa tulong ng NBI at PCG, pinuntahan ng mga tauhan ng BoC ang dalawang showrooms sa Quezon City at San Simon, Pampanga noong Huwebes.

Dito nila nakita ang ilang Lamborghini, Ferrari, Jaguar, Mercedes Benz at big bikes, na kagaya ng Ducati.

Ang mga inspection team ay armado ng Letter of Authority o LOA na pirmado ni BoC Chief Rey Leonardo “Jagger” Guerrero.

Bago ang inspeksyon ay nakatanggap ng report ang MICP na may mga puslit daw na mamahaling sasakyan ang dalawang showrooms.

Ang inspection team ay pinamunuan ni MICP-CIIS Chief Alvin Enciso.

Ang mga may-ari ng mga sasakyan ay binigyan ng l5 days para ipakita ang mga papeles ng mga sasakyan.

Kung hindi ay kukumpiskahin ng BoC ang mga nasabing sasakyan dahil sa paglabag sa CMTA.

***

Maraming naniniwala na mababawasan ng malaki ang bilang ng mga dating heneral ng militar at pulis sa gobyerno pag-upo ng bagong presidente.

Wala namang masama sa paghirang ng mga retiradong heneral ng AFP at PNP

Kaya pabayaan na lang nating i-enjoy nila ang kanilang retirement pagkatapos manilbihan sa bayan ng mahabang panahon.

Bilang mga dating heneral, sapat na ang kanilang mga pension para mabuhay sila ng maayos.

At siguradong maraming kawani sa mga tanggapan ng gobyerno sa ang matutuwa, dahil babalik na ang seniority sa pagpili ng mga mamumuno sa kanila.

Naiintindihan natin kung bakit maraming dating heneral ngayon ang namumuno sa iba’t ibang ahensya.

Iba kasi ang training sa militar at pulis.

Kailangang sumunod sa utos ng mga superior officer na walang tanong-tanong.

Ang ibig sabihin niyan ay disiplinado at masunurin ang mga taga-militar at pulis.

Pero kagaya ng sinasabi natin, pabayaan na lang nating magpahinga sa piling ng mga mahal sa buhay ang mga retiradong militar at pulis.

Bigyan din natin ng pagkakataon ang mga matagal na sa serbisyo na pamunuan ang kani-kanilang opisina.

***

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #(0969) 037 7083/email:tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE