Suspek2

2 sa 5 KFR members nasakote

June 19, 2024 Edd Reyes 164 views

DALAWA sa limang sangkot sa kidnapping for ransom (KFR) sa binatang Chinese national ang nadakip ng mga pulis sa follow-up operation noong Martes sa Taguig City.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Leon Victor Rosete ang mga nadakip na sina alyas Erwin, 30, at Richard, 36.

Hindi pa nahuhuli ang tatlo sa limang suspek sa kidnap for ransom.

Sa ulat ni Taguig police chief P/Col. Christopher Olazo, nakilala ng 19-anyos na biktima na residente ng Binondo, Manila sa messaging app si alyas Izzy kaya magkita sa isang fast food sa Brgy. Tuktukan, Taguig, City noong Lunes ang dalawa.

Matapos kumain, isinama ni Izzy ang biktima sa kanyang tirahan sa Brgy. Sta Ana kung saan dinatnan nila ang mga suspek na bumugbog, gumapos at nagtakip sa kanyang mga mata bago humingi ng P5 milyon ransom sa kanyang ama kapalit ng kanyang kalayaan.

Nagkatawaran hanggang sa magkasundo sa P1.1 milyon na dadalhin sa isang mall sa Bonifacio Global City para sa pagpapalaya sa dinukot.

Matapos makuha ang pera ng isang alyas Sean, pinakawalan ang biktima sa Angono, Rizal hanggang makapagsumbong na sa pulisya.

Natunton ng mga pulis ang lugar ng mga suspek nang isoli ang cellular phone ng biktima na may global positioning system (GPS) kaya natukoy ang kinaroroonan ng mga suspek at natiklo ang dalawa.

Nakuha sa mga suspek ang isang kalibre .38 revolver na may limang bala habang nasa isang grupo ang ransom na hindi pa napaghahatian.

Sinampahan na ng pulisya ng kasong paglabag sa Art 267 ng Revised Penal Code (Kidnapping and Serious Illegal Detention) at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) sa Taguig City Prosecutor’s Office ang dalawang nahuling suspek.

AUTHOR PROFILE