Default Thumbnail

2 QC pulis natakasan ng preso, kakasuhan

September 27, 2021 Melnie Ragasa-limena 840 views

NAHAHARAP sa kasong administratibo ang dalawang pulis matapos matakasan ng isang person under police custody (PUPC) o preso na ililipat sana sa piitan ng Fairview Police Station 5 (PS 5) sa Quezon City, nitong Linggo ng hapon.

Ang mga pulis ay nakilalang sina PCpl. Arjay Caybayab, 27, single, at Pat. Lorenzo Macarilay, 33, may asawa, kapwa nakatalaga sa Bagong Silangan Police Station 13 (PS 13) ng Quezon City Police District (QCPD).

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng QCPD, bandang alas-12:45 p.m. (September 26), ng maganap ang insidente sa Doña Carmen Subdivision, Barangay Commonwealth, sa lungsod.

Batay sa imbestigasyon ni PCpl. Isaias L De Pedro II, ang preso na si Ferio Merabel ay nakulong sa PS 13 sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng RA 9165.

Si Merabel kasama ang tatlo pang PUPC ay isinakay sa Hilux 23 na minamaneho ni Pat. Macarilay, habang si PCpl. Cayabyab naman ang escort sa likuran ng mobile upang ilipat sa piitan ng PS 5.

Habang binabaybay ang nasabing lugar ay nagawang sekretong natanggal ni Merabel at ng isa pang kasamang preso na si Sherwin Golondrina ang posas sa kanilang kanang kamay.

Nang makakuha ng tiyempo, agad tinutukan ng tinidor ni Golondrina ang leeg ni Cpl. Caybyab at sinabing, “Pasensiya na sir, pero papatayin kita!”.

Pero nang akmang saksakin sa leeg ang pulis ay mabilis niyang nasalag ang preso kaya nasaksak siya sa kaliwang palad.

Dahil dito ay nagpambuno si PCpl. Cayabyab at Golondrina hanggang sa magpagulong-gulong sa sahig ng mobile car ang dalawa.

Agad namang inihinto ni Pat Macarilay ang mobile at doon ay mabilis na tumalon sa sasakyan si Merabel patungong Kapalaran at Doña Nicasia Sts., sa nasabing Barangay.

Matapos ang insidente ay sumuko naman sina PCpl Cayabyab at Pat Macarilay, habang nagsasagawa naman ng ‘manhunt operation’ ang mga kasamahang pulis laban sa nakaeskapong preso.