2 pinatay sa Pasko ng Pagkabuhay
DALAWANG kalalakihan ang pinagbabaril at namatay sa magkahiwalay na lugar sa Tondo at Baseco Port Area, Manila habang ginugunita ng mga Kristiyano ang Pasko ng Pagkabuhay nitong Linggo.
Ang unang biktima ay lulan ng bisikleta nang pagbabarilin ng dalawang suspek na magkaangkas sa motorsiklo bandang 12:20 ng madaling araw sa panulukan ng Nepa at Paulino Streets, Balut Tondo, base sa ulat ni Det. Rodolfo Acosta lll , may hawak ng kaso.
Bandang 2:20 ng madaling araw nang barilin ng dalawang beses ang pangalawang biktima na nakilalang si Ruel Villaruel, 33, binata, tricycle driver, ng Baseco Compound, Port Area.
Tatlon suspek ng krimen kabilang ang isang babae ang natimbog ng mga tauhan ni Police Lieutenant Colonel Rodel Borbe, Manila Police District Station 13 commander, sa isinagawang follow-up operation sa nangyaring pamamaril.
Ayon sa ulat ni Police Captain Dennis Turla, hepe ng MPD- Homicide Section, nagkaroon umano ng suntukan na involved ang isnag suspek sa harap ng Blue Bar Resto. Agad itong naawat ng ilang tambay.
Naglalakad papauwi si Villaruel nang sundan ito ng mga suspek at pagbabarilin. Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ni Det. Boy Niño Baladjay sa pamamaril habang hinihintay ang resulta ng awtopsiya sa mga labi ng biktima.
Inutusan ni “The Game Changer General” MPD Director Police Brig. General Andre P. Dizon ang kanyang mga kapulisan na lalo pang paigtingin ang mga patrols, checkpoint operations at Oplan Kapkap para mahinto na ang pagdadala ng mga baril ng walang lisensiya at maiwasan at mga krimen sa Maynila.