
2 pekeng protection agents timbog sa pulis
DALAWANG impostor na protection agents (PAs) ang hinuli at kinasuhan ng Philippine National Police Supervisory Office for Security and Investigation Agencies sa pinatinding crackdown laban sa mga illegal bodyguards.
“This is part of the crackdown on illegally-deployed protection agents in Metro Manila and other parts of the country ordered by Philippine National Police chief Gen. Francisco Marbil,” ayon kay PNP Civil Security Group director Major Gen. Edgar Alan O. Okubo.
Inutusan ni Okubo si PNP-SOSIA director Colonel Marlou Roy V. Alzate na paigtingin pa ang kampanya laban sa mga unauthorized PAs.
Nagpakalat na ng mga red teams ang PNP-SOSIA para libutin ang mga casinos, hotels at iba pang pribadong establishments na tinatambayan ng nga pekeng PAs na karamihan may mga kliyenteng Chinese nationals na involved sa POGO o casino business.
Walo pang tao kabilang ang isang Army reservist at apat na bouncers na pinaghihinalaang nagse-secure sa isang mayamang Malaysian national ang nasita din ng PNP-SOSIA noong Hunyo 9.
Noong Hunyo 10, dalawang security guards at isang PA na walang maipakitang lisensiya ang nasita sa magkakasunod na operasyon ng PNP-SOSIA sa Taguig, Makati at Pasay.
Kumakalap pa ng mga sapat na ebidensiya nag PNP-SOSIA laban sa mga nasitang personalidad bago sila sampahan ng kaso sa korte.
Noong Hunyo 11, sinampahan ng PNP-SOSIA ng mga kasong paglabag sa Republic Act 11917 (Private Security Services Industry Act) ang dalawang iligal na PAs at ang kanilang employer.
Nahuli ang dalawa sa loob ng Bonifacio Global City sa Taguig City noong Hunyo 3 a at dinala sa BGC Sub-Station 1 ng Taguig City Police Station.
Nakumpisa sa dalawa na kinilalang sina “Agents” Chav at Canic ang dalawang pistola at limang magazines na may lamang 35 bala.
Lumabas sa imbestigasyon na ang dalawa nagsisilbing bodyguards sa isang Filipino-Chinese businessman sa BGC.
Inisyuhan ng Violation Ticket Reports ang dalawa habang ang kanilang employers, na kinilala lang na VPADAI, nahaharap na sa mga kasong kriminal at administratibo dahil sa paglabag sa mga alituntunin ng PNP-SOSIA at Police Security and Protection Group.
Sinabi ni Col. Alzate na ang lahat ng PAs na nagsisilbi sa mga banyaga o Pilipinong kliyente dapat may License to Exercise Security Profession (LESP) na kinukuha sa PNP-SOSIA.
Dapat din na may dala silang Authority to Deploy Protection Agent (ADPA) at Special Duty Detail Order (SDDO) na iniisyu naman ng PSPG na pinamumunuan ni Brigadier Gen. Rogelio P. Simon bago sila makapagtrabaho ng legal.
Ang kawalan ng mga naturang lisensya at authorities malinaw na paglabag sa RA 11917, sinabi ng PNP-SOSIA director.
“We are doing this to control the presence of PAs who are rendering illegal protective services to individuals as this may turn into abuse,” dagdag pa niya.