Default Thumbnail

2 obrero nagbenta ng shabu sa parak, kalaboso

January 15, 2023 Edd Reyes 172 views

KALABOSO ang dalawang construction worker na naghangad ng malaking pagkakakitaan matapos pagbentahan ng shabu ang pulis na nagpanggap na buyer Sabado ng gabi sa Navotas City.

Kinilala ni Navotas Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) chief P/Capt. Luis Rufo, Jr. ang mga nadakip na sina Mendy Pascual, 46, at Ogie Dela Cruz, 50, kapuwa residente ng Everlasting St. Brgy. San Roque na nakumpiskahan pa ng 54 na gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P367,200.

Ayon kay Capt. Rufo, nakatanggap sila ng impormasyon na kapuwa napasama na sa listahan ng mga pusakal na drug pusher ang pangalan nina Pascual at Dela Cruz kaya’t iniutos niya ang pagmo-monitor at sikretong paniniktik sa dalawa sa ilalim ng ipinaiiral ng programang S.A.F.E. NCRPO, kasama ang mga tauhan ng Intelligence Section.

Napagalaman na tumigil na sa kanilang trabaho bilang construction workers ang dalawa nang magsimulang kumita ng malaking halaga ng salapi sa pagbebenta ng shabu kaya’t ikinasa na ang buy-bust operation dakong alas-9:50 p.m. sa kahabaan ng Leongson St., Brgy. San Roque.

Kumagat ang dalawa sa P300 markadong salapi na ibinayad sa kanila P/SSgt. Joey Ang, kapalit ng isang maliit na sachet ng shabu na nagresulta sa kanilang pagkakadakip.

Sinabi ni P/SGt. Chrystian Oclares, may hawak ng kaso, na isinumite na sa PNP-NPD Forensic Unit ang nakumpiskang ilegal na droga para isailalim sa chemical analysis habang nakatakdang sampahan ng mga kasong pagbebenta at pag-iingat ng ilegal na droga ang dalawa sa ilalim ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

AUTHOR PROFILE