Negosyante Ang dalawang naarestong negosyante habang nasa himpilan ng CIDG Caraga R-13 matapos isagawa ang ‘Oplan Paglalansag’. Kuha ni Jon-jon Reyes

2 negosyante tiklo sa baril, smuggled na sigarilyo

August 30, 2022 Jonjon Reyes 471 views

PINASOK ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 13 Caraga ang bahay ng isang negosyante sa bisa ng search warrant at nasabat ang mga baril at magazine, bala, at holster sa Poblacion, Barangay Lapaz, Santiago Agusan Del Norte, Martes ng madaling araw.

Ang naarestong negosyante ay 38-anyos, may ka- ive in sa nasabing lugar.

Base sa ulat ni P/Lt. Col. Monico Cadayona, hepe ng CIDG Caraga Region 13 (Agusan del Norte, Agusan del Sur, Surigao del Norte, Surigao del Sur and the Province of Dinagat Islands) na isinumite kay P/Brig. Gen. Ronald Lee, CIDG director, bandang 5:20 ng madaling araw, nang pasukin ang bahay ng suspek bitbit ang search warrant na inisyu ni Presiding Judge Emmanuel Escatron, 10th Judicial Region ng Regional Trial Court (RTC) Branch 2 ng Butuan City.

Narekober ang isang kalibre 45 pistola, isang short magazine ng .45, anim na bala, at isang itim na holster.

Dahil na rin sa direktiba ni PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr. na ipagpatuloy ang “Oplan Paglalansag Omega” (Campaign Against Private Armed Groups and Loose Firearms) at isulong ang “Malasakit, Kaayusan, Kapayapaan tungo sa Kaunlaran” (MKK+K) program nito, kaya’t agad na umaksyon ang mga tauhan ng CIDG Region 13.

Samantala, isang “Oplan Mega Shopper” ang inilunsad ng pulisya na kung saan isang 50-anyos na lalaki ang nahulihan ng mga kahon-kahong sigarilyo na umano’y walang dokumento at umano’y “smuggled” sa Purok 4, Bgy. Poblacion, Linging Surigao Del Sur, hapon nitong Agosto 29, 2022.

Narekober ang 25 reams ng Wilson Cigarettes, 18 reams ng Blast Cigarettes, 15 reams ng Champion Cigarettes, 32 reams ng Walton Cigarettes, apat na reams ng white Aries Cigarettes, dalawang reams ng itim na Aries Cigarettes, at limang reams ng Billionare na aabot sa P54,000 ang halaga.

Dahil dito, nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 8424 o “National Internal Revenue Code of 1997 in relation to RA 8293 also known as Intellectual Property Code of the Philippines”.

Ayon kay Cadayona, pawang mga imported ang mga sigarilyo na kanilang nakumpiska at nang rebisahin ng kanyang mga tauhan walang maipakitang dokumento, kaya nalansag ang smuggling sa lugar.

Dahil dito pinuri ni Lee ang grupo ni Cadayona kasama ang kanyang mga kapulisan na sina P/Lt. Col. Philam Jay Balaqui, provincial chief SDS PFU at P/Lt. Col. Gilbert Papa provincial chief ng ADS PFU maging ang mga operatiba nito na sina PSSg. Mark Anthony S. Sollso, PCpl. Jerkyll C Cultura, PCpl. Jeson T. Obbus, at Pat. Regie C. Gamo.

AUTHOR PROFILE