2 nasakote sa ‘sangla tira’ modus

April 29, 2022 Jonjon Reyes 247 views

PASOK sa selda ang dalawang lalaki habang nakapuslit ang kanilang apat na kasabwat makaraang magsagawa ng entrapment operation ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD) laban sa mga suspek na sangkot sa modus na “sangla tira”.

Nag-ugat ang reklamo laban sa mga kawatan mula sa isang 30-anyos na dancer dahil pambibiktima gamit ang “sangla tira” sa Tondo, Maynila.

Kinilala ang mga suspek na sina Jady Tomanglao, 40, may asawa, negosyante, residente ng Urban Deca Homes, Bgy. 106 Vitas, sa Tondo at si Nikko Maderal, 34, binata, call center agent, residente rin sa naturang lugar.

Nakapuga naman kaagad ang apat na babae na sangkot sa modus na sina Vilma Alcaide, ng Panday Pira Ext., Tondo; Rasil Miranda na secretary ni Tomanglao; Apple Joy Reyes ng Nicanor Zamora St., Tondo, at admin ng Deca Homes.

Base sa ulat ni P/Lt. Col. Rosalino Ibay Jr., hepe ng MPD-Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT), isang Daisy Recto, dancer/performer at residente ng Urban Deca Homes ang nagtungo sa kanilang tanggapan upang maghain ng reklamo sa mga suspek hinggil sa modus operandi na “sangla tira” at sa halagang P250,000 ay maaari na umanong siyang tumira, matapos na may magpakilalang may-ari ng isang unit.

Ibinigay naman ng biktima ang naturang halaga pero sinabihan umano ito na downpayment pa lamang umano ito.

Humingi pa umano ng P50,000 para sa kabuuang halaga at kung hindi umano maibibigay ay mababalewala ang unang ibinigay na downpayment.

Nagduda umano ang biktima kaya nagsagawa ito ng masusing pagsisiyasat at nadiskubre na ang may-ari ng unit na sinasabi ng mga suspek ay may nakatira na pala sa pangalan ni April Joy Reyes na pinsan umano ni Maderal.

Dahil dito bumuo ng team si Ibay at sa pangunguna ni P/Lt. Edgar Julian isinagawa ang entrapment sa mismong unit ng biktima sa Deca Homes, Huwebes pasado alas-8:46 ng gabi.

Nang tanggapin na ang marked money ng suspek na si Tomanglao ay dito na siya inaresto kasama si Maderal habang nakapuslit naman ang apat nitong kasabwat.

Sa tanggapan ng MPD-SMaRT, dumating din ang may 41 pang complainant na nahingan din umano sila ng P100,000 hanggang P600,000 dahil din sa modus.

Nahaharap sa kasong syndicated estafa ang dalawang suspek habang patuloy na tinutugis ang apat na babae na di-umano’y kasabwat sa transaksyon.

AUTHOR PROFILE