2 nalambat ng CIDG Caraga sa paglabag sa ‘anti-red tape’
BINITBIT ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 13 ng Caraga (Agusan del Norte, Agusan del Sur, Surigao del Norte, Surigao del Sur, at Dinagat Islands) ang isang 35-anyos na umano’y “fixer” sa Land Transportation Office (LTO) sa inilatag na entrapment operation, Miyerkules ng hapon, Setyembre 21, 2022.
Ayon kay Police Lieutenant Col. Monico Cadayona, hepe ng CIDG Caraga Region 13, ang suspek na residente ng Prosperidad, Agusan Del Sur ay naaresto sa paglabag sa “Anti-Red Tape Act of 2007”.
Ayon sa report ng pulisya, nakatanggap umano sila ng impormasyon sa aktibidad ng suspek na gumagawa ng ilegal na transaksyon sa LTO.
Dito na bumuo ng team si Cadayona at ilan sa mga tauhan nito na sina PSSg. Patrick Valdez, PCpl. Jenyl Ebo, Jasrel Padro, Patrolman Kyell Barrameda, at Patrolman Jonas Deonila bandang 2:30 ng hapon, Miyerkules.
Narekober sa entrapment operation ang P3,000 marked money at isang dokumento para sa LTO driver’s license.
Samantala, binitbit din ang isa pang suspek na inakusahan sa kasong paglabag din sa “anti-red tape” makaraang ilatag din ang isang entrapment ops sa Pili Drive Extension, Butuan City, Miyerkules ng tanghali.