Default Thumbnail

2 naka-lab gown nagnakaw-spree sa QC

September 8, 2023 Melnie Ragasa-limena 117 views

Clinic ginawang entrance para matira 6 pang pwesto 

NAKUHANAN ng CCTV ang ginawang pagnanakaw ng dalawang suspek na nakasuot umano ng lab gown sa anim na establisimiyento sa loob ng Puregold branch sa Cubao noong Miyerkules ng gabi.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, pinasok ng hindi pa nakikilalang mga suspek ang Mang Inasal, MR.DIY, Caritas Clinic, S&R New Style Pizza, Cebuana Lhuilier at Metrobank ATM.

Pinasok din umano ng mga kawatan ang Finance Department ng Puregold.

Ayon sa report, nadiskubre ang insidente 6:30 ng umaga ng Setyembre 7. Ang mga nasabing establisimiyento ay matatagpuan sa loob ng Puregold branch sa Araneta City Center, Barangay Socorro, Cubao.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nagsara ang nasabing establisimiyento alas-nuwebe ng gabi noong Setyembre 6.

Kasabay ng pagsasara ang pagsasagawa ng inspection ng security personnel at management ng Puregold.

Ayon kay Kristine Villaceran, branch manager ng Puregold Cubao, nagsasagawa ng clearing operation bago ang pagbubukas ng establisimiyento nang mapansin niya na puwersahang binuksan ang pintuan ng Caritas Clinic na nasa ikatlong palapag.

Nadiskubre rin na puwersahang sinira ang parte ng bubong na nasa tapat ng comfort room ng nasabing klinika.

Ang katabing tindahan ng alahas na Princess Cut Jewerly and Repair Shop na nasa 3rd floor ay puwersahan din umanong binuksan.

Maging ang mga establisimiyento na nasa 2nd floor ay pinasok din umano.

Nasa 2nd floor ang Cebuana Lhuilier, MR.DIY, Mang Inasal, Puregold Finance, SNR at ang Metrobank ATM.

Lahat umano ng nasabing commercial establishments ay puwersahang pinasok.

Agad na inireport ng testigo ang nasabing insidente sa pulisya.

Sa ocular inspection ng pulisya, nadiskubre ang posibleng ginawang pasukan at labasan ng mga suspek sa 3rd floor ng gusali.

Base sa CCTV footage ay unang pinasok ng dalawang suspek ang Mang Inasal pasado alas onse ng gabi. Sunod na pinasok ay ang S&R New York Pizza. Bandang hatinggabi ay pinasok ng mga suspek ang Princess Cut Jewelry Shop.

Makalipas ang isang oras ay pinasok naman ng mga suspek ang MR.DIY, Cebuana Lhuilier at Metrobank ATM.

Ayon sa pulisya, dalawa lamang sa nabanggit na commercial establishments ang nakuhanan ng pera.