Default Thumbnail

2 nagwaging kongresista nanumpa kay Mayor Isko

May 22, 2022 Edd Reyes 284 views

DALAWA sa anim na nagwaging kongresista sa lungsod ng Maynila na magaang na naipanalo ang kani-kanilang kandidatura ang nanumpa sa harap ni Manila Mayor Isko Moreno nitong Biyernes ng hapon sa Manila City Hall.

Malugod na binati ni Mayor Isko sina Tondo 1st District Congressman-elect Ernix Dionisio at Tondo 2nd District Congressman Rolan Valeriano matapos lamangan ng napakaraming bilang ng boto ang kani-kanilang mahigpit na nakatunggali. Ang dalawa ay kapuwa kabilang sa Asenso Manileño Movement na pinamumunuan ng alkalde.

Marami ang nag-akalang mahihirapan ang batang Dionisio, anak ng beteranong konsehal na si Ernesto Dionisio sa kanyang kandidatura dahil makakabangga niya ang dalawang higanteng pulitiko sa katauhan nina incumbent Congressman Manny Lopez at dating konsehal Benjamin “Atong” Asilo na kapuwa nangunguna sa survey subalit sa huli’y nilamangan niya ng malaking boto ang dalawa.

Sa ikalawang distrito ng Tondo, malayo rin ang naging kalamangan ni Cong. Valeriano o CRV kung tagurian ng mga taga-Tondo, laban sa nagbabalik na katunggaling si dating Cong. Carlo Lopez na tumalo noon sa kanya sa ginanap na 2010 local election.

Binanggit ni Mayor Isko ang naging papel ni Cong. Valeriano, na magsisilbi sa kanyang ikalawang termino, bilang founding member ng Asenso Manileño Movement na itinatag noon ni dating Vice Mayor Danny Lacuna, ama ng nagwaging alkalde at kasalukuyang Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan.

Ipinakita ng mga botante sa ikalawang distrito ng Tondo ang kanilang pagrespeto at pagsuporta kay CRV dahil sa ginawa nito na walang patid na pamamahagi ng ayuda sa kasagsagan ng pandemya nang hindi ipinangalandakan o ginamit sa pamumulitika ang pagtulong.

Naging malaking bahagi rin si CRV sa mga programa at proyektong isinulong ni Mayor Isko sa lungsod ng Maynila kaya’t nalagpasan ng mga residente ng 2nd District ang matinding epekto sa kanilang kabuhayan ng pandemyang dulot ng COVID-19. Ni EDD REYES

AUTHOR PROFILE