Default Thumbnail

2 MWPs sa ‘rape’ timbog sa Bulacan, Valenzuela

January 26, 2023 Edd Reyes 207 views

KINALAWIT ng pulisya sa magkahiwalay na operasyon ang dalawang lalaking kabilang na “most wanted persons” (MWPs) na kapwa nahaharap sa kasong “panggagahasa” Miyerkules ng hapon sa Bulacan at Valenzuela City.

Unang nagsagawa ng pagsisilbi ng warrant of arrest sa ilalim ng programang S.A.F.E. NCRPO (National Capital Region Police Office) ang mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Ruben Lacuesta laban sa isang 23-anyos na suspek, ng Barangay 20, Caloocan City dakong ala-1 ng hapon sa kanyang pinagtaguang lugar sa isang subdivision sa Bgy. Poblacion, Santa Maria, Bulacan.

Ayon kay Lacuesta, kaagad niyang inatasan si Intelligence Section chief P/Maj. Mark Ronan Balmaceda na makipag-ugnayan sa Santa Maria Police para sa pagsisilbi ng warrant of arrest na inilabas ni Caloocan Regional Trial Court (RTC) Judge Glenda Cabello Marin ng Branch 124 laban sa akusado para sa kasong paglabag sa Anti-Rape Law matapos silang makatanggap ng impormasyon sa kanyang pinagtaguang lugar.

Dakong alas-2:47 naman ng hapon nang magsagawa ng manhunt operation sa ilalim pa rin ng S.A.F.E. NCRPO ang mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section ng Valenzuela Police na pinamumunuan ni P/Lt. Ronald Bautista laban kay 18-anyos na MWP ng naturang lungsod.

Naisilbi naman ng maayos ng pulisya sa bahay ng akusado sa Bgy. Marulas, Valenzuela ang dala nilang warrant of arrest na inilabas ni Malabon City Family Court Judge Santos Domingo-Laylo ng Branch 4 para sa kasong statutory rape.

Ang mga nadakip na akusado ay pansamantalang nakapiit sa magkahiwalay na Custodial Facilities ng Caloocan at Valenzuela Police Stations habang hinihintay pa ang ilalabas na commitment order ng dalawang hukom para sa lilipatan nilang pasilidad na nasa ilalim ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

AUTHOR PROFILE