2 miyembro ng ASG tiklo, 5 nakatakas sa Sulu

December 15, 2022 Zaida I. Delos Reyes 75 views

DALAWANG miyembro ng bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) ang naaresto habang lima pa ang nakatakas sa pinagsanib na operasyon ng pulis at militar nitong Huwebes ng madaling araw sa Panamao, Sulu.

Ayon kay Col. Richard Verceles ang mga naaresto ay sangkot sa mga kaso ng kidnapping at serye ng pagpatay sa lalawigan.

Nakatakas naman ang lima nilang kasamahan sa operasyon ng pulis at militar.

Batay sa ulat ng pulisya, ang operasyon laban sa mga bandido ay isinagawa dakong 1:30 ng madaling araw sa Barangay Tayungan, Panamao, Sulu.

Nagtungo umano ang tropa ng militar at pulis sa lugar upang maghain ng warrant of arrest subalit nakatakas ang lima sa mga bandido at dalawa lamang ang naaresto.

Na-recover din sa operasyon ang isang M16 rifle, isang Garand rifle, magazines,mga bala, at bandolier.

Napag-alaman na ang mga bandido ay pawang mga miyembro ng ASG at kaanak ng napatay na ASG leader na si Jennor Lahab na dating naka-base sa Basilan.

Si Lahab ay nagmula sa ikalawang distrito ng Sulu at sumapi sa grupo ng napatay na sub-leader ng bandido na nakilalang si Akhabsy Misaaya na sangkot sa mga kaso ng kidnap for ransom at pagpugot sa ulo ng Malaysian engineer noong 2015 at pagdukot sa sampung Indonesian noong 2016.

Ang grupo ay sangkot din sa bakbakan sa pagitan ng gobyerno at pagpaslang sa mga sibilyan sa Basilan at Sulu.

Sa kasalukuyan, ang dalawang naarestong bandido ay nasa kustodiya na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para sa karampatang pagsasampa ng kaukulang kaso.