2 menor de edad sugatan sa ambush sa Batasan Hills

December 20, 2022 Melnie Ragasa-limena 73 views

SUGATAN ang dalawang menor de edad nang pagbababrilin ng riding in tandem sa Quezon City, Lunes ng gabi.

Ang mga biktima ay nakilalang ay estudyante, 17, at 14-anyos na Grade 9, kapwa nakatira sa Barangay Batasan Hills, Quezon City.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Batasan Police Station (PS) 6, bandang 11:30 ng gabi (Disyembre 19), nang maganap ang insidente sa kalye sa nasabing barangay sa lungsod.

Batay sa inisyal na imbstigasyon ni PSSgt. Riva M. Cataluña ng Women and Children Protection Desk ng PS 6, nakaupo ang mga biktima sa bangketa sa lugar nang dumaan ang dalawang hindi pa nakikilalang lalaki na kapwa nakasuot ng itim na jacket at magka-angkas sa motorsiklo at pinagbabaril ang dalawang tinedyer.

Agad na tumakas ang mga suspek habang isinugod naman ang mga biktima sa malapit na ospital kung saan ay patuloy pa silang inoobserbahan.

Masusi pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa motibo ng pamamaril upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga nakatakas na suspek.