Default Thumbnail

2 ‘manyak’ huli; 1 tiklo sa pen gun ng MPD

May 25, 2023 Jonjon Reyes 252 views

HALOS magkasunod na oras nang damputin ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) ang dalawang suspek na lalaki dahil sa “pangmamanyak” diumano sa isang dalaga at nag-amok na lalaki na nahulihan ng improvised na baril sa Ermita at Tondo sa Maynila, Miyerkules ng gabi.

Sa ulat ng pulisya, dinakip ang isang 49-anyos na electrician ng Upper Bicutan, Taguig City matapos nitong hipuan umano ang maselang bahagi ng isang 22-anyos na babaeng biktima sa kahabaan ng Padre Faura Street, Ermita.

Ayon kay P/Lt. Col. Leandro Gutierrez, commander ng MPD Police Station (PS) 5, bandang 10:40 ng gabi (Mayo 24), habang naglalakad ang dalaga kasama ang kaibigan nito sa naturang lugar, ay binangga sila diumano ng dalawang lalaki na pawang “lasing” diumano at nang mapahinto sila ay saka ito pinaghahawakan sa maselang bahagi ng katawan.

Gayunman, kahit na ipinagpatuloy pa rin ang paglakad ng magkaibigan ay hindi sila tinantanan ng suspek at patuloy pa rin sa ginagawa nitong pangmomolestiya umano.

Dahil dito, napilitan ang biktima na humingi ng tulong sa mga barangay tanod at saka nila dinampot ang suspek.

Samantala, isang 59-anyos na lalaki ang binitbit ng mga operatiba ng MPD Jose Abad Santos PS-7 dahil sa pag-iingay at tila naghahamon diumano ng away sa panulukan ng Tomas Mapua at Antipolo Sts., Tondo, bandang 11:30 ng gabi.

Sa ulat, nabatid na ang suspek ay residente ng Sta. Cruz, Maynila.

Ayon kay P/Lt. Col. Jonathan Villamor, station commander ng Ps-7, nadatanan ng kanyang mga tauhan ang suspek na nagsisigaw ng “P*t**g ina n’yo, talo-talo na tayo ngayon,” at dito na siya sinita at nakitaan ng isang “pen gun” na may bala matapos kapkapan.

AUTHOR PROFILE