Servo

2 Manila organizations kinilala ng Sangguniang Panglunsod

September 19, 2023 Edd Reyes 473 views

DALAWANG resolusyon na magkakaloob ng akreditasyon sa dalawang organisasyon ng mga senior citizen na naninirahan sa Barangay 702 at 812 sa Maynila ang ipinasa ng Sangguniang Panlungsod matapos makasunod sa panuntunang itinakda ng ika-12 Konseho.

Kikilalanin ang dalawang organisasyon ng pamahalaang lungsod ng Maynila bilang mga lehitimong samahan ang naturang akreditasyon, ayon kay Vice Mayor at Presiding Officer ng Sangguniang Panlungsod John Marvin “Yul Servo” Nieto.

Inakda ang dalawang resolusyon ni Konsehal Ricardo “Boy” A. Isip, Jr. ng ika-5 Distrito ng Maynila at siya ring chairman ng Committee on Cooperatives, NGO’s and people’s organizations.

Hinimok ng pamahalaang lungsod ng Maynila, sa pangunguna ni Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan, ang mga nasa hustong edad at mga senior citizen na mag-organisa ng samahan para maging non-governmental organizations sa ilalim ng Republic Act (RA) 7160 o ng Local Government Code ng 1991.

Bilang kinikilalang organisasyon ng mga matatanda, puwedeng maging aktibo at produktibong katuwang ng pamahalaang lungsod ng Maynila bilang miyembro ng lipunan ang anumang organisasyon at pagtugon na rin sa Section 34 ng Local Government Code of 1991.

Sa kasalukuyanm aabot na sa mahigit 100 NGOs at grupo ng mga indibiduwal sa Lungsod ng Maynila ang nabigyan na ng akreditasyon ng 12th City Council mula ng simulant ito noong Oktubre, 2022.

Puwede ring mai-download ang accreditation form sa opisyal na website ng city council na https://citycouncilofmanila.com.ph/.

AUTHOR PROFILE