2 magnanakaw sapul sa CCTV

June 3, 2021 Edd Reyes 155 views

SAPOL sa close circuit television (CCTV) camera ang ginawang pangungulimbat ng dalawang kabataang lalaki sa loob ng isang stall sa loob ng malaking pamilihan Miyerkules ng gabi sa Malabon City.

Hindi na nakapalag ang 18-anyos na suspek, ng 133 Manapat St. Brgy. Tanong, at 17-anyos niyang kasabuwat, residente ng Navotas West nang dakpin sila ng mga barangay tanod at security guard ng Malabon Central Market matapos ireklamo ng negosyanteng si Len Pardinilla, 35, ng Tiangco St., Brgy. Ibaba at siyang may-ari ng stall na pinasok at pinagnakawan ng mga suspek.

Sa reklamo ni Perdinilla kay Kagawad Jun Buenaventura ng Brgy. Tanong, dakong alas-6:50 ng gabi nang magtungo siya sa kanyang stall sa Malabon Central Market at laking gulat niya nang makitang bukas at nagkalat sa sahig ang kanyang paninda at wala rin ang P10,000 cash na benta sa maghapon.

Kaagad na nirebisa ng biktima ang nakakabit na CCTV at dito niya nakita ang puwersahang pagsira ng mga suspek sa kandado ng tindahan, pati na ang paghahalungkat at pagtangay ng mga ito sa salaping nakalagay sa drawer kaya’t hiningi kaagad niya ang tulong ng nakatalagang security guard na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek, sa tulong ng mga tanod at pulisya.

Sa ulat na ipinadala nina P/SSgt. Jose Romeo Germinal II at P/SSgt. Jeric Tindugan kay Malabon police chief P/Col. Albert Barot, kasong robbery with force upon things and isinampang kaso laban sa dalawa bagama’t ang menor-de-edad na suspek ay kinailangang isailalim sa pangangalaga ng Bahay Pag-asa sa Brgy. Longos na pinagdadalhan ng mga batang nasasangkot sa krimen.

AUTHOR PROFILE