Posas

2 lasing kulong sa pambu-bully

November 17, 2024 Melnie Ragasa-limena 113 views

NAARESTO ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang dalawang suspek na umanoy nam-bully at namaril sa dalawang lalaki noong Linggo.

Kinilala ni QCPD Acting District Director P/Col. Melecio Buslig Jr. ang mga suspek na sina Rene Nietes Aretaño, 22, at John Lhester Bernabe Necor, 21.

Batay sa ulat, bandang alas-2:30 ng madaling araw nang arestuhin ang mga suspek sa San Isidro Labrador, Payatas A, Quezon City.

Sa reklamo ng dalawang biktima, pauwi na sila ng masalubong ang mga suspek na lasing at binully sila habang pinagtatawanan.

Dahil dito, kinompronta ng mga biktima si Necor pero bumunot ng .45 caliber pistol ang suspek at pinadaplisan ng bala ang ulo ng isang biktima at sinaksak naman sa likod ni Aretaño ang biktimang si Castillo.

Dinala ang mga biktima sa Rosario Maclang Bautista General Hospital at ngayo’y nasa stable na kondisyon.

Narekober mula sa mga suspek ang isang .45 Colt MK IV caliber pistol, anim na bala, 10 live ammunition at isang itim na sling bag.

Sasampahan ng kasong attempted homicide ang isang suspek habang si Necor mahaharap sa paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Quezon City Prosecutor’s Office.