2 lalaki pumitik ng 1,097 na itik sa Jaen, nakapiit
JAEN, Nueva Ecija–Arestado ang dalawang lalaki sa bayang ito dahil sa umano’y pangnenenok ng humigit-kumulang sa 1,097 na itik na nagkakahalaga ng P329,100 noong Miyerkules.
Naganap ang pangnenenok sa Purok 6, Sitio Malaiba, Brgy. San Jose dakong alas-4:00 ng umaga.
Magsasaka, 38-anyos at 31-anyos, ang dalawang nahuli na taga-Brgy. San Jose, ayon sa report.
Ayon sa mga pulis, rumesponde sila sa reklamo ni Luisa Gatuz, 52, na nagsumbong tungkol sa naganap na pagnanakaw sa kanyang farmhouse.
Naging daan ang pagresponde ng mga pulis upang mahuli agad ang dalawang suspek sa aktong isinisilid pa ang mga itik sa mga sako at ikinakarga sa kolong-kolong (skeleton tricycle).
Ayon kay P/Col. Ferdinand Germino, hepe ng Nueva Ecija police: “Sama-sama, naninindigan tayo laban sa lahat uri ng kriminalidad.”