2 lalaki nahulihan ng bomba sa Malabon, riot naunsyami

June 2, 2021 Edd Reyes 116 views

BINIGO ng pulisya ang napipintong riot ng mga kabataang lalaki makaraang madakip ang dalawang hinihinalang miyembro ng isang gang, kabilang ang isang menor-de-edad, habang bitbit ang dalawang Molotov bomb Miyerkules ng madaling araw sa Malabon city.

Isa sa dalawang nadakip ay kinilala ni Malabon police chief P/Col. Albert Barot na si Jimmy Boy Villena, 20 habang hindi naman pinangalanan ang 17-anyos niyang kasama, kapuwa residente ng Dulong Bronze, Brgy. Tugatog.

Sinabi ni Col. Barot na isinailalim na sa swab test ang menor-de-edad na suspek bago siya isailalim sa pangangalaga ng Bahay Pag-asa sa Brgy. Longos kung saan dinadala ang mga kabilang sa CICL o children in conflict with the law upang bigyang kalinga at gabay para maituwid ang direksiyon ng kanilang buhay

Sa imbestigasyon nina P/MSgt. Julius Mabasa at P/SSgt. Mardelio Osting, habang nagpapatrulya ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 2 pasado alas-12 ng hatinggabi, namataan nila ang mga suspek na naglalakad sa kanto ng M.H. Del Pilar at Basilio St. na malinaw na paglabag sa umiiral na curfew hour.

Napagalaman na madalas mangyari ang riot ng mga kabataan sa naturang lugar sa dis-oras ng gabi kaya’t iniutos ni Col. Barot ang regular na pagpapatrulya dito ng pulisya.

Nang kapkapan ng mga pulis ang dalawa, nakuha sa kanila ang dalawang improvised molotov coctail bomb na karaniwang ginagamit ng mga kabataan sa pakikipag-riot sa kalabang gang.

Nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 9516 o possession of Molotov cocktail bomb ang mga nadakip na suspek sa piskalya ng Malabon.

AUTHOR PROFILE