Default Thumbnail

2 Laguna drug suspek patay sa engkwentro

June 18, 2021 Gil Aman 504 views

Nasawi ang dalawang hinihinalang drug suspek sa isang engkwentrong isinagawa ng operatiba ng warrant officer ng mga kagawad ng Provincial Intelligence Unit (PIU) at Biñan City Police sa Bgy. Canlalay, Miyerkules ng hapon.

Base sa ulat ni PIU Chief PLt. Col. Arvin Avelino, ang nasawing mga suspek ay sina Antonio Dalit, alias “Tala”, napapabilang sa top 10 most wanted person (provincial level), residente ng San Pedro City, at isang Jhondie Helis, alias “Jhondy”, naninirahan sa Bgy. Canlalay, Biñan City, Laguna.

Sa imbestigasyon, dakong alas 4:30 ng hapon ng isagawa ang paghahain ng Warrant of Arrest ni Avelino at kanyang mga tauhan sa lugar laban sa kanilang target na si Dalit hinggil sa pagtutulak ng droga at paglabag sa kasong Sections 5 and 11 ng Republic Act 9165.

Ayon sa report, nabatid na aktong papalapit ang mga operatiba sa bahay ni Dalit ng magawa umano nitong manlaban kabilang ang kanyang kasamahan na si Helis sa halip na sumuko ang mga ito gamit ang dalawang kalibre 38 baril na nauwi sa engkwentro na agad nilang ikinasawi.

Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang ginamit na baril ng mga suspek, 13 small heat-sealed transparent plastic sachet ng shabu na umaabot sa 50 gramo na may halagang P340 libong pisong street value, digital weighing scale at P3,500 na hinihinalang drug money at mga drug paraphernalia.

Sa talaan ng pulisya, nabatid na labas pasok na aniya sa bilanguan ang suspek na si Dalit dahil sa paglabag nito sa ipinagbabawal na droga, habang si Helis ay ginagawa naman umano nitong katulong sa kanilang iligal na operasyon.

Hinggil dito, mariin namang pinabulaanan ni Avelino ang ginawang akusasyon sa kanila ng pamilya ng mga suspek.

Inaalam pa rin ng mga ito ang totoong edad ng suspek na si Helis kung saan taliwas umano sa lumabas sa socmed na ito ay edad 16 anyos pa lamang.

Positibo rin aniyang nanlaban ang mga suspek habang aktong naghahain ng Search Warrant ang mga ito na nauwi sa isang engkwentro, taliwas sa mga napaulat na pinagbabaril ito ng mga pulis habang naka posas ang kanilang mga kamay.

AUTHOR PROFILE