2 Koreanong walang face mask nabuking ang shabu

June 16, 2021 Edd Reyes 156 views

HULI sa pag-iingat ng ipinagbabawal na droga ang dalawang Koreano na sinita ng pulis dahil sa hindi pagsusuot ng face mask Miyerkules ng umaga sa Pasay City.

Naglalakad sa kanto ng Taft Avenue Extension at Narra St. sina Tong Park, 46, ng Unit 2320 Balagtas Street Condominium at JB Bae, 46, ng Unit 2407 Asia West Condominium, Leveriza St dakong alas-8:45 ng umaga nang sitahin sila nina P/SSgt. Albert Morante at P/Cpl. Eric Delos Santos ng Pasay Police Sub-Station 5 na nagpapatrulya sa lugar dahil sa hindi pagsusuot ng face mask na isang paglabag sa ordinansa ng lungsod.

Inatasan ng dalawang pulis ang mga dayuhan na magsuot ng face mask subalit nang kunin ito ni Tong Park sa kanyang bulsa, nalaglag ang isang plastic sachet na naglalaman ng .003 gramo ng shabu kaya’t inaresto na siya ng pulisya.

Nang kapkapan naman ang kanyang kasamang si JB Bae, isa ring plastic sachet na may laman ding .003 gramo ng shabu ang nakumpiska sa kanya kaya’t kapuwa sila dinala sa tanggapan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) upang masampahan ng kaukulang kaso.

AUTHOR PROFILE