2 konsehal sa Pasig City tumiwalag
DALAWANG kaalyadong pulitiko ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang tumiwalag at nagsasabing tatakbo na lamang bilang indipendyenteng kandidato bilang mga city councilor.
Sa isang panayam, pinuna nina Ram Cruz at Bobby Hapi ang kakulangan umano ng mga gamot at serbisyo medikal sa mga health center sa lungsod.
“Sa labas ka pa o ibang medical hub magpapa-laboratory, kaya maglalabas ka pa rin ng pera,” dagdag pa ni Cruz na naglingkod bilang barangay kagawad at acting punong barangay.
Ayon naman kay Hapin, wala pa umanong pabahay sa lungsod.
Sinabi ni Cruz na isinakripisyo niya ang maraming bagay para suportahan si Sotto noong 2019 para labanan ang mga Eusebio. Hirit naman ni Hapin na siya lang at si Kiko Rustia ang naglakas-loob na lumantad at sumama sa laban ni Sotto laban sa mga Eusebio.
Nilinaw ng dalawa na ang kanilang pagbaliktad ay hindi nangangahulugan na aanib na sila sa kalaban ng mayor dahil sila ay mananatiling independiyenteng kandidato bilang mga city councilor. Ni Joseph Muego