2 kelot lumabas sa manhole, huli sa pagnenok ng P.4M kable
NABIGO makapagtangay ng halos P400,000 na halaga ng mga kableng tanso ang dalawang kawatan nang masabat sila ng mga pulis noong Huwebes sa Taguig City.
Ayon kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Bernard Yang, napuna ng security guard ng isang establisimyento sa Brgy. Lower Bicutan ang paglabas mula sa manhole ng dalawang lalaki, dakong alas-2:50 ng madaling araw na hila-hila ang makakapal na kableng tanso.
Doon inabutan ng mga pulis sina alyas Edwin, 26, at alyas Emerson, 37, sa aktong inilalabas sa manhole sa MLQU Avenue, Brgy. Lower Bicutan ang iba’t-ibang sukat at haba ng kableng tanso.
Pag-aari ng isang telecommunication firm ang mga pinutol na makakapal na kawad at umaabot sa P389,031.29 ang halaga nito.
Nakuha rin sa dalawa ang isang lagaring bakal, cutters at e-bike na pinaglululanan ng mga ninenok na kable.
Mahaharap sa mga kasong pagnanakaw at paglabag sa Republic Act 10515 (Anti-Cable Television and Cable Internet Tapping Act of 2013) ang dalawa sa Taguig City Prosecutor’s Office.