2 kalibre .45 isinuko sa Cabanatuan City
CABANATUAN CITY–Dalawang cal. 45 na baril ang iti-nurn over sa lalawigang ito noong Biyernes bunga ng kampanyang inilunsad ng pulisya laban sa loose firearms.
Isinuko ang mga baril sa ilalim ng Oplan Katok na isinagawa ng mga istasyon ng pulisya sa Bongabon at Santo Domingo, ayon kay Nueva Ecija police director P/Col. Ferdinand Germino.
Itinurn-over ang mga baril ng mga may-ari nito kina Major Alrick Eraña at Major Melchor Pereja, hepe ng pulisya ng Bongabon at Santo Domingo, dakong alas-10:00 ng umaga.
Programa ng Philippine National Police ang Oplan Katok kung saan nagbabahay-bahay ang mga awtoridad para bisitahin ang mga may hawak ng baril na hindi pa nakakapag-renew ng lisensya para mai-renew ito o i-turn over sa pulisya para sa pag-iingat.
“Hinihikayat namin ang aming mga mamamayan na makiisa sa aming kampanya sa pamamagitan ng pagsuko ng kanilang mga baril na may mga expired na lisensya. Sama-sama, makakamit natin ang mas ligtas na Nueva Ecija,” sabi ni Col. Germino.