2 huli sa shabu matapos mag-counterflow sa Pasay
KALABOSO ang dalawang sakay ng isang kotse, kabilang ang isang bebot, nang mahulihan ng shabu matapos takasan ang sisitang traffic enforcer dahil sa pag-counterflow sa Buendia Avenue Martes ng umaga sa Pasay City.
Multa lang sana ng malaki kung huminto lamang nang parahin sa paglabag sa batas trapiko sina alyas “Pot” 24, at alyas “Annie” 26, pero pinagtripan pa nilang takasan ang traffic enforcer hanggang ma-korner sa Roxas Boulevard, sa tulong ng mga tauhan na Pasay Police Sub-Station 1 na nakasaksi sa komosyon.
Sa ulat na tinanggap ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Bernard Yang, dakong alas-6:20 ng umaga nang tangkaing pahintuin ng traffic enforcer ng Pasay City ang kotseng Honda Civic nang salubungin ang daloy ng trapiko sa Buendia Avenue.
Sa halip na huminto, pinaharurot pa ang sasakyan kaya’t humabol ang traffic enforcer, pati ang mga pulis na nakasaksi sa paglabag ng dalawa hanggang sa abutan sa kanto na ng Buendia at Roxas Blvd.
Nang hingan ng lisensiya ang driver na si alyas “Pot”, napuna ng enforcer ang itinapong coin purse ng mga ito at nang kanyang damputin, nakita sa loob nito ang 17.58 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P119,544 na dahilan para arestuhin ang mga ito.