Default Thumbnail

2 ‘gun runner’ timbog sa Las Piñas

January 19, 2023 Edd Reyes 246 views

NAHULOG sa kamay ng batas ang dalawang lalaking sangkot sa ilegal na pagbebenta ng armas makaraang mahuli sa isinagawang buy-bust operation Miyerkules ng gabi sa Las Piñas City.

Sa ulat na ipinadala ni Southern Police District (SPD) District Director P/Brigadier Gen. Kirby John Kraft kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/Major Gen. Jonnel Estomo, inaresto ng mga tauhan ng District Intelligence Division (DID) ang dalawang suspek sa harapan ng McDonald’s sa Samata Village, Barangay Talon Singko sa naturang lungsod.

Lumabas sa imbestigasyon na ilang araw ng minamanmanan ng mga tauhan ng DID ang dalawa makaraang makatanggap sila ng impormasyon na sangkot diumano ang mga ito sa pagbebenta ng hindi lisensiyadong uri ng armas at pampasabog.

Nang makumpirma ang nakalap na impormasyon, ikinasa na ng pulisya ang pagbili ng armas sa dalawa, gamit ang markadong salapi dakong alas-9 ng gabi sa harapan ng bantog na food chain.

Nakumpiska sa mga suspek ang isang rifle grenade, isang super .38 kalibreng pistola na may apat na bala, at ang markadong salapi na ipinambili ng pulis na nagpanggap na buyer.

Sinabi ni Kraft na pansamantala naka-detine ang dalawa sa Custodial Facility ng Las Piñas City Police Station habang inihahanda na ang pagsasampa ng mga kasong paglabag sa RA (Republic Act) 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act at RA 9516 o ang possession of explosive.

AUTHOR PROFILE