Posas

2 feeling siga timbog sa Malabon

November 20, 2023 Edd Reyes 68 views

TIMBOG sa mga awtoridad ang dalawang feeling siga dahil sa paghahamon ng away at pagwawasiwas ng patalim sa Malabon City noong Lunes.

Sa report ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, itinawag ng isang residente sa barangay ang pambubulabog ng mga suspek na sina alyas Ruel, 23, ng Purok 6, Dulong Hernandez St. Brgy. Catmon, at alyas Jasper, 20, ng Block 4 Damata Letre, Brgy. Tonsuya dakong alas-4:00 ng umaga sa Escanilla St., Brgy. Concepcion.

Agad na pumunta sa lugar ang mga tanod ng Barangay Concepcion na sina Jonathan Pioson at Manuel Jamora at inabutan ang dalawa na nagsisisigaw at naghahamon ng away habang isinawasiwas ng isa ang dalang patalim.

Nag-iba ang tono ng boses ng dalawa nang makitaang nasa harapan na nila ang mga nagrespondeng tanod kaya’t hindi na sila nagtangka pang tumakas.

Nakuha ng mga tanod kay alyas Ruel ang hawak na patalim.

Sa imbestigasyon nina P/SSg. Bengie Nalogoc at P/SSg Ernie Baroy, dumayo lang sa naturang barangay ang dalawang suspek para maghasik ng gulo at mambulabog sa mga residente.

Dinala muna ng mga tanod sa Ospital ng Malabon ang dalawang suspek para isailalim sa medical examination bago ipinasa sa mga pulis ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) ng Malabon Police.

Sasampahan ng kasong alarm and scandal at paglabag sa Batas Pambansa Blg. 6 o illegal possession of deadly weapon ang mga suspek.

AUTHOR PROFILE