Default Thumbnail

2 ‘drug pusher’ huli sa Caloocan

May 20, 2022 Edd Reyes 246 views

NABIGONG makapagpalakas ng puwersa ang pagsasanib ng dalawang miyembro ng kilabot na “Bahala Na Gang” at “Sputnik Gang” upang kontrolin ang bentahan ng ilegal na droga makaraang madakip ng pulisya habang nakikipag-transaksiyon Biyernes ng madaling araw sa Caloocan City.

Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Samuel Mina ang mga naarestong drug pusher na sina Gervacio Mirino, alyas “Wanglu”, 42, miyembro ng Bahala na Gang at Danilo Omega, alyas “Balbas”, 38, ng Sputnik Gang at kapuwa residente ng Barangay 188 Tala, Lungsod ng Caloocan.

Bago madakip ang mga suspek, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng Tala Police Sub-Station 14 kaugnay sa umano’y pagsasanib ng puwersa ng dalawang miyembro ng kilabot na gang upang makontrol ang bentahan ng ilegal na droga sa bahagi ng North Caloocan.

Kaagad nagsagawa ng sikretong pagmomonitor at paniniktik ang mga tauhan ng Tala Police Sub-Station hanggang matiyempuhan nila ang dalawa sa kahabaan ng Domato Avenue, Phase 12, Brgy. 188 dakong alas-12:30 ng madaling araw ng Biyernes na nakikipag-transaksiyon sa bentahan ng shabu.

Dito na pinagsalikupan ng mga pulis ang mga suspek na nagresulta sa kanilang pagkakadakip. Nang kapkapan, nakuha sa kanila ang humigit-kumulang na 1.5 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P10,200.

Ayon kay Col. Mina, mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Seksyon 11, Artikulo II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa piskalya ng Caloocan City. Ni EDD REYES

AUTHOR PROFILE