PNP Source: FB

2 colorum operators tiklo sa Cavite

October 3, 2024 Jun I. Legaspi 228 views

NAARESTO ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) ang dalawang lalaki sa Cavite City sa bisa ng warrant of arrest na inilabas dahil sa kasong pangongolorum na isinampa ng Land Transportation Office (LTO).

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang pagkakaaresto kina Ricky Solayao Cos, 38, at Roberto Bonete Salvador, 52, patunay na seryoso ang ahensya sa pagpapatupad ng kampanya laban sa mga colorum operators at drivers.

Naaresto si Cos noong Oktubre 1, habang si Salvador naman naaresto noong Oktubre 2 sa magkahiwalay na operasyon ng PNP Cavite.

Kinasuhan ng LTO sina Cos at Salvador ilang buwan na ang nakalipas dahil sa paglabag sa Section 18 na may kaugnayan sa Section 24 ng Commonwealth Act 146, na inamyendahan ng Republic Act 11659, o mas kilala bilang Public Service Act.

“Ito ay nagpapatunay na seryoso ang inyong LTO para wakasan na ang perwisyong dulot ng mga colorum operators sa ating mga lehitimong kababayan sa sektor ng transportasyon,” ani Mendoza.

“Patas na lumalaban ang karamihan sa ating mga drivers at operator subalit ang kanilang kinikita naapektuhan ng mga ganitong iligal na gawain,” dagdag niya.

Ang agresibong kampanya laban sa colorum ng LTO alinsunod sa utos ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime J. Bautista bilang tugon sa hiling ng mga transport groups mula kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Kamakailan lamang, pinuri ng mga tricycle operator at driver sa Quezon City at ng mga jeepney operator sa Marikina City si Mendoza dahil sa anti-colorum drive na nagresulta sa mas mataas na kita para sa kanila.

Ayon sa mga transport groups, nababawasan ng 30% ang kanilang pang-araw-araw na kita dahil sa mga colorum operator.

AUTHOR PROFILE