Default Thumbnail

2 Chinese nat’ls na ‘holdaper’ timbog sa Taguig entrapment ops

January 14, 2023 Edd Reyes 402 views

ARESTADO sa entrapment operation ang dalawang Chinese nationals na sangkot sa panghoholdap sa isang babaeng casino dealer nang tangkaing ipatubos sa biktima ang nakulimbat sa kanya Sabado ng madaling araw sa Taguig City.

Nakuhanan pa ng hinihinalang shabu sa kanilang bulsa ang mga dayuhang sina Fei He, 40, naninirahan sa Taguig City at Haikang Lyu, 32, residente ng isang condominium sa Barangay Hulo, Mandaluyong City nang kapkapan nina P/Cpl. Froilan Tamayo at Pat. Nousa Ivanka Bodo ng Taguig Police Bonifacio Global City (BGC) Sub-Station 1, matapos dakpin nang tanggapin ang markadong salapi na kanilang hinihingi sa biktima.

Sa ulat ni Southern Police District (SPD) Director P/Brigadier Gen. Kirby John Kraft kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/Major Gen. Jonnel Estomo, ginawa ang entrapment operation dakong alas-4:30 ng madaling araw sa harapan ng pangunahing pasukan patungo sa establisyimento ng XYLO Uptown Parade, BGC, Bgy. Fort Bonifacio.

Nauna rito, humingi ng tulong sa pulisya ang biktima, ng Pila, Laguna makaraang makatanggap siya ng tawag sa mga suspek na humihingi ng P20,000 kapalit ng pagsasauli sa kanya ng ilang mahalagang gamit na nakulimbat ng mga holdaper noong Enero 12 dakong alas-5 ng madaling araw sa parking lot ng naturang establisyimento.

Hindi nabatid kung ang mga suspek din ang humoldap sa kanya at tumangay ng kanyang passport, bank card, ID, at iPhone na ipinatutubos sa kanya, matapos siyang tutukan ng baril.

Nang makarating sa kaalaman ni Taguig Police Chief P/Col. Robert Baesa ang reklamo ng biktima, kaagad niyang inatasan si P/Maj. Judge Rowe Donato na magkasa ng entrapment operation na nagresulta sa pagkakadakip sa mga dayuhang suspek.

Ilan sa mga ebidensiyang nakuha sa mga suspek ang nakulimbat na gamit sa biktima tulad ng bank card, PhilHealth ID, passport, iPhone 13, pati na ang markadong salapi na kinabibilangan ng isang P1,000 genuine bill at 19 na piraso ng P1,000 boodle money na ginamit sa entrapment operation.

Nakuha naman sa bulsa ni Fei He ang isang coin purse na may lamang dalawang plastic sachet ng shabu habang nakuha naman kay Haikang Lyu ang isa pang plastic sachet ng shabu na nakalagay sa isang metal na lalagyan ng sigarilyo.

Umabot sa kabuuang 3.3 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P22,440 ang nakuha ng pulisya sa mga dayuhan.

Pinapurihan naman ni Estomo ang mabilis na pagtugon ng Taguig Police sa reklamo ng biktima na nagresulta sa pagkakadakip sa mga dayuhan.

AUTHOR PROFILE