Default Thumbnail

2 ‘carnapper’ natunton ng GPS sa Bulacan, arestado

December 20, 2021 Francis Naguit 287 views

DALAWANG lakaki ang binitbit ng mga operatiba ng Manila Police District, makaraang matunton ang tinangay nilang sasakyan dahil sa nakakabit na Global Positioning Sytem (GPS) Linggo ng madaling araw sa San Miguel, Bulacan.

Sa follow-up operation na isinagawa ng mga tauhan ni P/Lt.Col. Cenon Vargas Jr., MPD- Raxabago Police Station 1 commander, bandang 2 a.m. nang damputin ang pinaghihinalaang suspek sa pagtangay ng sasakyan na nakilalang sina Pipoe Silverio, 43, binata, security guard, residente ng 55 F Balagtas St., Bagong Barrio , Caloocan City, at isang Alvin Castro, 33, binata, construction worker, ng 107 Kapayapaan St., Bagong Barrio.

Base sa ulat ni Lt.Col. Vargas, nakatanggap sila ng reklamo mula kay Ryasan Sanchez, 39, warehouse supervisor sa Zestar Corporation na matatagpuan sa 2361- A Juan Luna Street, Gagalangin Tondo, hinggil sa nawawalang sasakyan ng kompanya na isang silver na Toyota Hi- Ace (DBY – 3195) sa kanilang warehouse.

Dahil dito, inatasan nito si P/ Lt.Ramil Dionisio na magsagawa ng masusing imbestigasyon.

Sa pangunguna ni Dionisio at sa tulong ng GPS tracker sa sasakyan na nagsilbing mapa, natunton ito sa isang lugar sa San Miguel, Bulacan.

Nagpatuloy sa follow-up operation ang MPD at dito na sila nakipag koordina sa PNP- San Miguel, Bulacan Police District hanggang sa matimbog ang dalawang suspek. Nina FRANCIS NAGUIT & JONJON REYES

AUTHOR PROFILE