
2 BUS NAGLIYAB SA STA CRUZ
PAHIRAPAN ang pag-apula sa dalawang pampasaherong bus na nasusunog habang nakaparada sa terminal sa Dimasalang Street sa Sta.Cruz, Maynila nitong Miyerkules ng umaga.
Sa imbestigasyon ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), pasado alas-9 ng umaga nang magsimulang magliyab at masunog ang mga bus sa terminal sa Sta. Cruz.
Ayon sa ilang mga driver ng bus, magsasakay na sana sila ng pasahero at magbibiyahe na ang mga ito ng alas-10 ng umaga patungong Samar at Leyte nang mapansin nilang may usok.
Matapos nito’y tuluyang nagliyab ang loob ng isang bus hanggang sa madamay na ang katabi nitong bus.
Agad namang rumesponde ang mga kapulisan sa lugar at ikinordon ang terminal upang maiwasan ang karahasan at masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero.
Kasabay nito ay ipinagbigay-alam nila ang insidente sa BFP na mabilis namang nagdatingan sa nasabing lugar.
Wala namang naiulat na nasaktan o nasawi sa insidente maliban sa dalawang bus na nasunog.
Wala ring nadamay sa mga katabing bahay dahil mataas ang pumapagitang pader sa bus terminal.
Gayunman, ilang mga residente ang naapektuhan pa rin lalo na ang kanilang paghinga dahil sa kapal ng usok na kanilang nalanghap mula sa mga nasunog na bus.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung ano ang sanhi ng sunog at ang halaga ng pinsala sa dalawang bus na nilamon ng apoy.