QCPD

2 binatilyong estudyante laglag sa pagrolyo ng ‘MJ’

October 24, 2022 Melnie Ragasa-limena 297 views

NAKUMPISKA ng pulisya ang hihithitin sanang marijuana (MJ) nang dalawang binatilyong estudyante na nag-cutting classes pa umano at nagtungo sa isang parke sa Quezon City, Lunes ng hapon.

Sa report ng Kamuning Police Station (PS-10) ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 12:40 ng hapon (October 24), nang maaresto ang dalawang estudyante na parehong 15-anyos, sa Fitness Trail, Quezon City Memorial Circle (QCMC), Barangay Central, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni P/SSg. Cliff Richard Delos Santos ng PS-10, nagsasagawa ng roving patrol ang isang guwardiya na nasa bisinidad ng QCMC nang maispatan ang dalawang binatilyo na abala sa kanilang ibinabalot sa papel.

Nang lapitan ang mga binatilyo ng guwardiya ay saka lamang nito nalaman na marijuana ang inirorolyo na parang sigarilyo ng mga suspek dahilan upang agad silang arestuhin at dinala sa himpilan ng pulisya.

Nabatid na nag-cutting classes umano ang dalawang estudyante at tumambay sa QCMC kung saan hinihinalang doon isinasagawa ang kanilang paghitit ng marijuana.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang higit-kumulang sa 2.0 grams at 0.3 grams ng dahon ng marijuana na nakabalot sa dalawang papel.

Inihahanda na ang kasong paglabag sa Sec. 11, Art. II ng RA 1965 laban sa dalawang estudyante.