Default Thumbnail

2 bebot na ‘tulak’ huli sa Malabon buy-bust

June 6, 2023 Edd Reyes 214 views

NASABAT ng pulisya ang mahigit sa P.3 milyong halaga ng shabu sa dalawang babaeng “tulak” umano ng iligal na droga sa ikinasang buy-bust operation Martes ng madaling araw sa Malabon City.

Ayon kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ponce Rogelio Peñones, Jr., kabilang sa mga nadakip ang isang 32-anyos na babaeng suspek ng Barangay 8, Caloocan City at kasama nito na may alayas na “Mikay,” 30, ng Bgy. Tugatog, Malabon, parehing nakatala bilang “high-value individuals” (HVI).

Sinasabing “notoryus” ang dalawang suspek sa kalakaran ng pagbebenta ng shabu hindi lamang sa kanilang barangay, kundi sa mga kalapit na lugar.

Ikinasa ang buy-bust operation ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Malabon police sa utos ni P/Col. Amante Daro, ang hepe ng pulisya ng lungsod, matapos maberipika ang natanggap nilang impormasyon kaugnay sa iligal na aktibidad ng dalawang suspek.

Dakong alas-2:50 ng madaling araw nang dakpin ang dalawa matapos na tanggapin ang P8,000 markadong salapi sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng plastic sachet na may lamang shabu sa kanto ng P. Concepcion at Dr. Lascano Sts. sa Bgy. Tugatog.

Sinabi ni Daro na nakumpiska ng kanyang mga tauhan sa mga suspek at humigit-kumulang na 55 gramo ng shabu na may katumbas na halagang P374,000 at markadong salapi.

Nang makarating sa kaalaman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Edgar Alan Okubo ang matagumpay na operasyon, nagpahatid kaagad siya ng pagbati sa Malabon City Police sa kanilang hindi natitinag na dedikasyon sa pagsugpo sa iligal na droga sa lungsod.

AUTHOR PROFILE