2 back ride tumama sa center island, kritikal

April 4, 2022 Jonjon Reyes 133 views

KAPWA inoobserbahan sa pinagdalhang pagamutan ang magka-angkas sa motorsiklo na isang babae at lalaki makaraang sumemplang at bumangga sa center island sa westbound lane ng Legarda St. Sampaloc, Maynila, madaling araw ng Lunes, batay sa ulat ng pulisya.

Kinilala ni PEMS Ormando Ramos ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) ang mga biktima na sina Fernando Jose Abella, call center agent at Jennilyn Catalan, 25, kapwa residente ng Leyte Liit, Mindanao Street, Sampaloc, Maynila.

Ayon sa pulisya, naganap umano ang insidente bandang 12:10 ng madaling araw sa nabanggit na lugar habang binabagtas ang westward lane ng Ramon Magsaysay Flyover sa Sampaloc sakay ng motorsiklo na Yamaha Mio-i125.

Ayon sa saksing si Frederick Desoyo, 26, isang kuliglig driver na nakakita sa insidente, magka-angkas ang mga biktima habang binabaybay ang lugar at pagsapit ng Legarda St. nawalan ng kontrol at aksidenteng tumama sa center island.

Sugatan ang dalawa sa lakas ng impact at inasistehan ng Philippine Red Cross habang si Catalan ay inasistehan ng MMDA Nagtahan Base Ambulance sa pangunguna ni Lilibeth Coronada at kapwa sila dinala sa Jose Reyes Memorial Medical Center. Nina Jon-jon Reyes at C.J Aliño

AUTHOR PROFILE