2 arestado sa P3.5 M shabu sa Bacolod City
DALAWA katao kabilang ang isang itinuturing na high-value target drug personality ang naaresto sa magkahiwalay na anti-illegal drug operation ng pinagsb na pwersa ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency-Western Visayas (PDEA-6) sa Bacolod City.
Ang unang operasyon ay isinagawa dakong 4:20 P.M. sa Barangay 19, Reclamation area na nagresulta sa pagkakahuli ni Noel Palacios, 22, residente ng Purok Nangka, Barangay 3.
Nakuha mula kay Palacios ang 500 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P3.4 milyon.
Dakong 7:30 p.m. nang maaresto si Nemia Aguilar Jalando-on, isang high-value target sa Barangay Banago.
Nakumpiska mula sa 43-anyos na suspect ang mga sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 20-gramo at nagkakahalaga naman ng P136,000 at isang P1,000 cash.
Sa kasalukuyan, inihahanda na ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga suspect.