2 Akyat-Bahay nanghalay ng kasambahay!

July 20, 2021 Melnie Ragasa-limena 172 views

PINAGSAMANTALAHAN ng dalawang miyembro ng ‘Akyat Bahay’ ang isang 16-anyos na kasambahay matapos pagnakawan ang isang tahanan sa Barangay Paltok, Quezon City, nitong Martes ng madaling araw.

Ang napagnakawan ay nakilalang si Baby Evelyn Encinares, 56, housewife, at residente ng 11-B, Zamora Street, Barangay Paltok, Quezon City, habang nireyp naman ang kasambahay niyang itinago sa pangalang Rhea.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), naganap ang insidente sa pagitan ng alas-2:52 at 3:06 ng madaling araw (July 20), sa loob ng tahanan ng biktima sa Barangay Paltok.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PCpl Allan Cruz, nakita sa CCTV footage ang dalawang hindi pa nakilalang kawatan na sakay ng motosiklo ang umakyat sa gate ng tahanan ng mga biktima.

Nang nasa loob na ng bahay ay mabilis na nilimas ng mga kawatan ang (1) Iphone 8 na nagkakahalaga ng (P20,000); (1) Iphone 5 (P5,000); assorted jewelry (P30,000), at (2) wrist watch na nagkakahalaga ng P13,000 sa silid ni Encinares.

Hindi pa nakuntento ay umakyat pa sa ikalawang palapag ng bahay at pumasok sa silid na tinutulugan ng kasamabahay na si Rhea.

Dahil sa walang nakuhang mahalagang bagay sa silid ng kasambahay ay halihinan na lamang itong nireyp ng mga kawatan bago tumakas.

Masusi pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang makilala ang nakatakas na mga salarin.