Default Thumbnail

1st SONA ni PBBM daan para sa makasaysayang mandato, pagbabago

July 22, 2022 People's Tonight 252 views

AYON kay House Ways and Means Chairman, Albay Representative Joey Sarte Salceda, ang unang “State of the Nation Address” o SONA ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay magandang pagkakataon para ilatag ang tugon ng “makasaysayan” niyang mandato sa mga hamong kinakaharap ng bansa na maaaring maging daan tungo sa mahalagang mga pagbabago.

Inaasahang mananatili si Salceda bilang chairman ng makapangyarihang “House Tax Panel”.

Hiniling niya sa Pangulong Marcos Jr. na maliwanag niyang ilahad sa kanyang SONA sa Lunes ang “engrandeng mga ambisyon” ng bansa tulad ng makasaysayang mandatong ipinagkaloob sa kanya ng mga Pilipino.

Gumawa si Salceda ng talaan ng mahahalagang “national goals” na inaasahan niyang tatalakayin ni Pangulong Marcos Jr. sa kanya SONA.

Kabilang sa talaan ang pagbawas sa kahirapan sa 9% o mababa pa pagsapit ng 2028, pag-ahon sa 2.16 milyong pamilya mula sa pagdarahop, paglikha ng “middle class” na bubuuin ng mga 15 milyong pamilya, 8% pagsulong ng gross national product o GDP, pababain ang deficit o kakulangan sa pondo sa 3-4% ng GDP, pababain sa 53% ng GDP ang mga kautangan, at patatagin ang pundasyon ng bansa at mapabilang ito sa OECD pagsapit ng 2040.

Karamihan sa mga target na ito, ayon kay Salceda, ay “malinaw na isinasaad din sa panukala niyang ‘House Joint Resolution No. 6, or ‘Build, Build More’ infrastructure framework,” na inihain na niya sa Kamara.

Ipinanukala ni Salceda na italaga ni Marcos sa P11 trilyon ang “total infrastructure spending program” ng bansa sa susunod na anim na taon upang itaas ang “Golden Age of Infrastructure” na nauna nang binalangkas sa panahon ng kanya ama na muling binuhay sa termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

AUTHOR PROFILE