PCUP

190,000 nakinabang na sa relief operations ng PCUP

August 18, 2021 People's Tonight 836 views

UMABOT na sa humigit 190,000 indibidwal ang naging benepisyaryo ng relief operations ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) na isinasagawa sa buong bansa.

Sa talaan ng PCUP, simula nang magsimula ang pandemya ay umabot na sa 190,042 pamilya ang nakinabang sa isinasagawang relief operation ng Komisyon na magpapatuloy sa gitna ng ECQ na ipinapatupad ngayon sa Metro Manila.

Patuloy ang pakikipagtulungan ng PCUP sa iba’t ibang pampubliko at pribadong sektor na nagpaabot ngtulong tulad ng food packs distribution handog ng Jollibee Group Foundation na naglalaman ng mga ready-to-eat meals, DA-BPI para sa mga masustansyang gulay at marami pang iba.

Binigyang diin din ng Komisyon ang pagpapaigting sa mga programa na magiging kapaki-pakinabang sa mga maralitang tagalungsod habang umiiral ang ECQ gayundin ang pagbubuo ng mas epektibong mga mekanismo sa pagbibigay ng serbisyo sa taumbayan bilang “adjustment” sa mga bagong restriksyon dala ng ECQ kasabay ng pag-usbong ng mas delikadong virus sa bansa na Delta at Lambda variant.

“Sa panahong nababalot tayo ng pangamba bunsod ng pandemya, ang kinakailangan ng ating mga maralitang Pilipino ang tulong mula sa atin, kung kaya’t kahit na sa simpleng inisyatiba tulad ng relief operations ng aming ahensya, naniniwala akong maiibsan ang kanilang pag-aalala sa isyu ng kagutuman at kalusugan,” ani Usec. Alvin S. Feliciano.

Bukod sa mga relief at food packs na ipinamamahagi ng PCUP, makakatanggap din ng health kits na naglalaman ng mga face masks, face shields, at alcohol ang mga maralitang tagalungsod na maging benepisyaryo ng relief distribution ng Komisyon bilang bahagi ng programang PCUP Health Caravan.

Para sa ibang katanungan tungkol sa mga susunod na programa ng PCUP, bukas ang kanilang linya sa numerong 8362-0220, at ang kanilang Facebook page na PCUP Official araw-araw.

AUTHOR PROFILE