
19-ANYOS NILASLAS ANG LEEG!
KRITIKAL ngayon sa pagamutan ang isang 19-anyos na estudyante matapos na laslasin ng katiwala ng kanyang guro ang kanyang leeg habang natutulog sa Calbayog City sa Samar.
Ang biktima na residente ng Barangay Beloso sa Almagro, Samar ay isinugod sa Saint Camillus Hospital at kalaunan ay inilipat sa Eastern Visayas Medical Center.
Batay sa ulat ng Calbayog City Police, naganap ang insidente dakong 3:30 ng madaling araw nitong Huwebes ng gabi sa bahay ng teacher ng biktima na matatagpuan sa Calbayog City.
Napag-alaman na dumalo ang biktima kasama ang kanyang teacher sa isang seminar sa lungsod, subalit hindi na ito nakauwi pa sa kanilang isla dahil sa kawalan ng masasakyan.
Dahil dito, nakitulog na lamang ang biktima sa bahay ng kanyang teacher.
Gayunman, habang natutulog ay nilapitan siya ng 27-anyos na suspek at walang sabi-sabing nilaslas ang kanyang leeg.
Naalimpungatan ang biktima at napatakbo, takip ng kanyang kamay ang leeg upang humingi ng tulong.
Agad namang naisugod sa pagamutan ang biktima habang naaresto ang suspek.
Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang bigyang linaw ang insidente.