19-anyos arestado sa gahasa ng dating nobya

July 19, 2021 Melnie Ragasa-limena 135 views

INARESTO ang isang 19-anyos na lalaki matapos umanong gahasain ang dati niyang kasintahan na menor de edad sa loob ng kaniyang tahanan sa Novaliches Quezon City.

Kasong paglabag sa RA 7610 o child abuse ang nakatakdang isampa sa suspek na kasalukuyang nakakulong sa Novaliches Police Station.

Sa report ni PCpl Racquel C. Graneta ng Women and Children Protection Desk ng Quezon City Police District (QCPD) ng Novaliches Police Station 4, bandang alas-5:00 ng hapon (July 17), nang maganap ang insidente sa Sitio Luisito, Bgy. Gulod, Novaliches, QC.

Ayon sa pahayag ng ina ng biktima ang suspek at ang anak niyang 15-anyos ay dating magkasintahan.

Niyaya umano ng suspek ang mga kaibigan, kasama ang dating kasintahan na mag-inuman sa bahay nito.

Makalipas ang ilang oras, nang makitang lasing na ang biktima ay niyaya ito ng dating nobyo na matulog muna sa kaniyang silid at doon ay pinagsamantalahan ng suspek.

Nang mawala na ang tama ng alak ay naramdaman ng biktima ang pananakit ng kaniyang kaselanan kaya isinumbong na nito sa kaniyang ina ang ginawang panghahalay sa kaniya ng ex-lover.