18-anyos tumilapon sa motorsiklo, basag ang bungo

January 5, 2022 Edd Reyes 164 views

BASAG ang bungo matapos tumilapon mula sa minamanehong motorsiklo ang 18-anyos na estudyante matapos mahagip ang naka-umbok na hump sa tinatahak na lansangan Martes ng madaling araw sa Malabon City.

Patay kaagad si Hyper-Zon Rendon, residente ng 454 PNR Compound, Samson Road, Brgy. 73, Caloocan City matapos humampas ang ulo niya sa sementadong kalsada makaraang tumilapon ng ilang metro sa sinasakyang motorsiklo.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Malabon police chief P/Col. Albert Barot, mabilis na tinatahak ng biktima, sakay ng kanyang Yamaha mio motorcycle, ang kahabaan ng Victoneta Avenue, Brgy. Potrero dakong ala-1:20 ng madaling araw nang matumbok niya ang naka-umbok na hump sa tapat ng Victoria Place na naging dahilan upang mawalan siya ng kontrol sa mabilis na pagpapatakbo ng motorsiklo.

Hindi na nagawang maitakbo sa pagamutan ng mga nagrespondeng barangay tanod ng Brgy. Potrero ang biktima bunga ng halos mabiyak ang kanyang bungo sa lakas ng pagkakabagok ng ulo sa kalsada.

Nakaburol na ngayon ang bangkay ng binatang estudyante sa kanilang lugar sa PNR Compound habang dinala naman sa impounding section ng Malabon Traffic Management Bureu ang nawasak niyang motorsiklo.

AUTHOR PROFILE