18-anyos nanghalihaw ng saksak sa Makati

May 25, 2021 Edd Reyes 105 views

ARESTADO ang 18-anyos na estudyante na nanghalihaw ng saksak matapos inguso ng isang testigo Lunes ng hapon sa Makati City.

Patong-patong na kaso ang kakaharapin ng suspek na si Gino Sales, residente ng Brgy. Comembo makaraang makuha pa sa kanya ang tinatayang 250 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P5,000 at dalawang uri ng patalim na ginamit sa pananaksak.

Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya na nagsasagawa ng pagroronda ang mga tauhan ng Bantay-Bayan sa 29th Avenue dakong alas-4 ng hapon nang makatanggap sila ng reklamo kaugnay sa insidente ng pananaksak sa lugar.

Kaagad na humingi ng ayuda sa Makati Sub-Station 8 ang mga miyembro ng Bantay Bayan at sa tulong ni P/Cpl. Arniel Paglicawan, natukoy nila ang testigong si Anthony James Leynes na nakasaksi sa ginawang panghahalihaw ng saksak ni Sales sa biktimang si Edward Pascua, 23 ng Cadena de Amor at Calachuchi Streets. Bgy. Pembo.

Si Pascua ay kaagad na isinugod ng kanyang mga kaanak sa Ospital ng Makati kung saan isinailalim kaagad sa operasyon sanhi ng mga tinamong tama ng saksak.

Nagsagawa naman kaagad ng pagtugis sa suspek ang mga miyembro ng Bantay Bayan, kasama ang rumespondeng pulis hanggang sa matukoy nila ang suspek sa harapan ng Calabines Compound, 29th Avenue, Brgy. East Rembo. Positibong itinuro ng testigo si Sales na siyang sumaksak sa biktima.

Si Sales ay nahaharap sa mga kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act, serious physical injury at paglabag sa Batas Pambansa Blg. 6 o illegal possession of deadly weapon sa piskalya ng Makati.

AUTHOR PROFILE