17 Delta variant cases nakumpirma sa Laguna

July 26, 2021 Gil Aman 546 views

LABIMPITONG katao ang naitalang may COVID-19 Delta variant sa tatlong siyudad at tatlong bayan sa lalawigan ng Laguna.

Ito ay ayon sa ipinalabas na ulat ni Laguna Provincial Health Officer (PHO) Dr. Rene Bagamasbad Lunes ng umaga.

Ayon kay Bagamasbad, naitala ang tatlong kaso sa lungsod ng San Pedro, tatlo sa Calamba, anim sa San Pablo, dalawa sa Bay, isa sa Los Baños at dalawa sa Lumban.

Hinihintay pa ang iba pang resulta ng isinagawang pagsusuri mula sa Genome Center sa lungsod ng Maynila kung may posible pa umanong mapadagdag sa nabanggit na bilang ng mga kaso sa Laguna.

Hinggil dito, patuloy ang isinasagawang contact tracing ng itinalagang mga contact tracers sa nasabing mga bayan at lungsod na apektado ng naturang virus.

Bukod aniya dito, sa kabila ng nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) ang Laguna kung saan nasa pinaigting ang restrictions at mahigpit na ipinatutupad ang health protocols.

Samantala, inatasan ni Department of Health (DOH) Calabarzon Regional Director Dr. Eduardo Janairo ang lahat ng kanyang mga tauhan sa buong rehiyon na tutukan ang nasabing mga kaso.

Inatasan rin ang mga tauhan na magsagawa ng monitoring at alamin ng mga ito ang posibleng pinagmulan at kung saan aniya nahawa ang mga ito kabilang ang naitala sa lalawigan ng Cavite at iba pang probinsiya.

AUTHOR PROFILE