Default Thumbnail

151 SK exec na dumalo sa seminar sa Subic nadale ng ‘food poisoning’

August 8, 2024 Bernard Galang 99 views

HINDI bababa sa 151 mga opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK) na dumalo sa seminar sa isang hotel sa Subic Bay Freeport Zone noong Martes ang naospital dahil umano sa “food poisoning.”

Sa ulat kay Police Regional Office 3 director Brig. Gen. Jose Hidalgo Jr., sinabi ng Subic police na ang mga biktima ay mga SK officials mula sa San Carlos City, Pangasinan na dumalo sa Gender Awareness Sensitivity seminar na ginanap sa Subic Bay Travelers Hotel na matatagpuan sa Raymundo St. sa Subic Bay Freeport Zone.

Ayon sa paunang pagsisiyasat, ang 151 na dumalo sa seminar ay hinainan ng pagkain para sa kanilang tanghalian.

Isa sa mga biktima, isang SK kagawad ng Bgy. Inerangan, San Carlos City, Pangasinan ang nagsabi na kumain sila ng menudo, fried chicken, chopsuey, at uminom ng tubig.

Ilang sandali pa, ang mga nagsidalo sa seminar ay nakaranas ng matinding pananakit ng tiyan, pagdudumi at pagsusuka kaya agad silang isinugod sila sa iba’t ibang ospital para maipagamot.

Ang mga sample ng pagkain mula sa hotel ay kinuha ng police forensics team upang ito ay masuri.

Nagsasagawa ng imbestigasyon ang Subic police at ang Olongapo City Health Office sa insidente.

AUTHOR PROFILE